Tanong-Sagot Hinggil sa Kasalukuyang Sitwasyong Pampulitika
Ano ang isyung pinag-ugatan ng bagong krisis ng rehimeng GMA?
Ang paglalantad ni Jun Lozada hinggil sa kickback at katiwaliang kakabit ng kontrata sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at kompanyang Intsik na ZTE para ilatag ang National Broadband Network (NBN) ang nagbunsod ng panibagong bwelo ng mga pagkilos laban sa rehimeng GMA hanggang sa panawagan para sa kanyang pagbibitiw at pagpapatalsik. Si Jun Lozada ay isang consultant ng NEDA na nagsuri sa maanomalyang kontrata na ito. Consultant din siya sa iba pang proyekto tulad ng South Rail dahil pinagkakatiwalaang kaibigan siya ng dating NEDA secretary na si Neri, at aniya kahit ito ay may balot din ng anomalya. Mayroon siyang “personal knowledge” o tuwirang impormasyon tungkol sa kickback at katiwalian tungkol dito kaya’t kapani-paniwala ang kanyang paglalahad at paglalantad. Pinagtitibay naman ng paglalahad ni Jun Lozada ang nauna nang paglalantad ni Joey de Venecia (anak ng dating House Speaker Joe de Venecia) at mismo ni Neri (bago niya itinikom ang kanyang bibig sa iba pang detalye) na may natanggap na kickback si Abalos bilang broker ng kontrata at ang kanyang tangkang panunuhol para mailusot ang kontrata. Katunayan, ang pagsisikap ng rehimeng GMA na busalan ang bibig ni Jun Lozada, sa pamamagitan ng tangkang panunupol at aktwal na pagkidnap, ay patunay ng mabigat na testimonya at ebidensyang kaya niyang ilabas.
Bakit maanomalya ang kontratang NBN-ZTE?
Ani Jun Lozada, umaabot sa $130 million ang patong sa halaga ng $329 milyong kontrata. Sa madaling salita, nasa 40% ng kabuuang halaga ng kontrata ang dagdag bunga ng kickback at katiwalian. Ito ay halagang babayaran ng mamamayan subalit hindi pakikinabangan sapagkat mapupunta lang sa bulsa ng mga taong naging tagapamagitan at taga-apruba. Diumano, bilang broker ng kontrata, ang dating Comelec chairman na si Abalos at si Mike Arroyo (o Jose Pidal na matatawag) ang humihingi at tatanggap ng ganito kalaking kickback pero siyempre babahaginan nila ang ibang tao na kailangan ang pagsang-ayon para mailusot ang kontrata. Ito ang dahilan kung bakit may tangkang panunuhol kay Neri para sumang-ayon na diumano ay nag-ulat kay GMA sa bagay na ito. Ito rin ang dahilan kung bakit inaareglo nila si Joey de Venecia na kakumpitensya sa kontrata sapagkat may sariling kompanya na nais magsagawa ng proyekto. Pero bukod sa kickback at katiwalian, ang kontratang NBN-ZTE ay halimbawa ng anomalyadong proyekto na pinapasok ng gobyerno sa mga dayuhan na disbentahe para sa mamamayan. Pinautang ang Pilipinas ng China pero gagamitin lang ang pondong ito para bayaran ang ZTE na isang kompanyang Intsik. Ang utang na ito na nagkakahalaga ng $329 milyon (may 40% patong) ay sovereign guarantee o ginarantiyahan ng gobyerno na babayaran. Pero sa totoo lang, manggagaling ang pambayad sa bulsa ng mamamayan at manggagawa na pinakamalaking pinagmumulan ng buwis. Sa madaling salita, ginigisa tayo sa sariling mantika habang tumitiba ng tubo ang isang dayuhang kompanya.
Bakit nabulgar ang anomalyadong kontrata na ito?
Kung nagkaaregluhan ang lahat ng partido sa tiwaling kontrata ng NBN-ZTE ay maaring hindi na sumingaw ang baho nito. Subalit bunga ng kumpetisyon sa pagitan ng nagtutunggaling mga paksyon ng naghaharing-uri ay nalantad ang kalokohang ito. Sanhi naman ito ng pagtatangka ng pamilyang Arroyo, sa pangunguna ni Mike Arroyo, na kopohin ang malalaking kontratang mapagkakakitaan hindi lang ng tubo kundi ng kickback. Natural na pumalag si Joey de Venecia , o mas tamang sabihin, si Joe de Venecia, na naitsapwera sa kita sa bilyun-bilyon pisong kontratang ito. Kaya’t ibinulgar ni Joey de Venecia ang anomalya sa hearing sa Senado, napilitang ikumpirma ni Neri ang tangkang panunuhol sa kanya at hanggang sa hindi napigilan si Jun Lozada na tumestigo sa katotohanan. Totoo namang away sa pagitan ng mga magnanakaw ang rason kung bakit nalantad ang anomalya. Pero di man malilinis ang budhi at kamay ng mga naglalantad ngayon ng katiwalian sa rehimeng GMA, hindi ibig sabihin ay hindi ito totoo. Sapagkat sangot sila rito, mas mabigat ang impormasyong alam nila sa mga kalokohan.
Ano ang kinalaman ng mga manggagawa at maralita sa isyung ito?
Malaki ang epekto ng kontratang NBN-ZTE sa buhay ng manggagawa at maralita. Kung natuloy ang kontratang ito ay walang ibang magbabayad ng perang uutangin para ipambayad nito kundi ang mamamayan. Kung natuloy ang kontratang ito ay babayaran ng taumbayan ang buong halaga ng isang proyektong sobrang laki ang patong sa anyo ng kickback. Bilang halimbawa ng grabidad ng katiwalian sa pamahalaan at epekto nito sa mamamayan, noong 2006 ang kabuuang halaga na nakolekta mula sa withholding taxes ng manggagawa at VAT mula sa mamamayan ay nasa P270 bilyon o 42% ng kabuuang buwis. Sa kabilang banda, ang nawawaldas na pera ng gobyerno ay umaabot ng 40% sang-ayon kay Jun Lozada at sa pag-aaral ng World Bank. Malaki ang taya ng uring manggagawa sa isyung ito. Ang buwis ng manggagawa ay ninanakaw lang ng mga trapo. Pumapasok ang gobyerno sa mga kontrata kahit di ito pakikinabangan ng mamamayan pero dahil paborable ito sa iilan. Hindi man natuloy ang kontratang NBN-ZTE dahil maagang nabuking at nailantad, patunay at ehemplo ito ng kabulukan ng gobyernong GMA at ng kasalukuyang sistema. Katunayan, pinalala ito ng pagtatangka ng rehimeng GMA na pagtakpan ang katotohanan sa pamamagitan ng pagkidnap kay Jun Lozada, paghaharang ng testimonya sa Senado, at iba pa. Obligadong madinig ang boses at tindig ng uring manggagawa ang isyung ito kaysa monopolyohin lang ng isang paksyon ng naghaharing uri at ng panggitnang uri ang panawagan para sa “katotohanan.”
Ano ang katangian ng kasalukuyang krisis ng rehimeng GMA?
Hindi ito ang unang iskandalo na yumanig sa rehimeng GMA. Sapagkat sagad-sa-buto ang katiwalian, sa kabila ng katotohanang iniluklok ng isang pag-aalsa laban sa pangungurakot sa gobyerno, hindi maiiwasang sumingaw ang malansang amoy ng mga anomalya at pumukaw ng pagkundena ng mamamayan. At sapagkat, nakaantabay ang mga karibal na paksyon ng naghaharing uri, napapaypayan ang paglalantad at nagagamit para sa destabilisasyon ng rehimeng GMA. Muli, hindi porke’t ginagamit ng trapong oposisyon ang isyu ay hindi totoo ang ibinulgar na kickback at katiwalian. Natural lang na sumiklab ang ganitong krisis bunga ng likas na katiwalian ng rehimeng GMA at ng kasalukuyang sistema. Pero napag-aapoy ang isyu dahil sa maigting na pasyunal na alitan sa hanay ng naghaharing uri. Kaya naman mula sa simpleng akusasyon ng katiwalian ay humahantong ang panawagan hanggang sa pagbitiw o pagbagsak sa rehimeng GMA.
Ano na ang paninindigan ng iba’t ibang uri sa krisis na ito?
Sa simula ng pagsiklab ng panibagong krisis pampulitika, ang panawagang ibinabandila ng trapong oposisyon, mga personaheng burgis at ang kaladkad nilang uring petiburgis ay “truth and accountability” o “paglalantad ng katotohanan.” Gayong mistulang malambot ang pormulasyon, ito ay pagbanat sa mga pagtatangka ng rehimeng GMA na ikubli ang katotohanan sa lumalalang akusasyon ng katiwalian sa pamamagitan ng panunuhol, pananakot at panunupil. Tumutugma ito sa inihahaing inisyal na mga porma ng pagkilos ng burgis na oposisyon sa taumbayan—misa sa simbahan at symposium sa mga kolehiyo. Pero umigting na ito sa tuwirang panawagan nila ng pagbibitiw sa pwesto ni GMA at ng mas militanteng anyo ng protesta gaya ng noise barrage. Isang kalkuladong hakbang ito ng eskalasyon ng pakikibaka na nakasalalay sa taya nilang kahandaan ng mamamayan sa ganitong mas mapangahas na panawagan at pagkilos. Sa konkreto ito ang mga panawagang dala-dala ni Cory Aquino at ang mga grupong Black & White at Makati Business Club na kumakatawan sa isang paksyon ng burgis na oposisyon. Hindi man hayagan pang ibinabandila subalit payag sila sa constitutional succession bilang pinakamabilis na resolusyon ng krisis pampulitika at pagbabalik sa “kaayusan” matapos patalsikin si GMA. Kahawig ng paninindigan subalit may krusyal na diperensya bunga ng naiibang interes pampulitika ang panawagan ng pampulitikang oposisyon na kinakatawan ng UNO. Hindi sila sang-ayon sa pagpalit ni Kabayan bilang pangulo sapagkat hindi nila ito tao kaya’t mas ang pinalulutang nilang kahilingan ay snap election yamang nasa kanilang grupo ang mga trapong may sapat na popularidad para manalo sa isang halalan sa pagkapangulo. May kaibhan pa rin ang posisyon—bunga ng pansariling interes pampulitika—ng dalawang pangunahing kandidato sa halalan sa 2010. Kung tutuusin disbentahe para kina Roxas at Villar ang magbitiw o ma-impeach si GMA sapagkat mangangahulugan ito ng pagpalit ni Kabayan na magbibigay ng bentahe sa kanya pagdating ng eleksyong 2010. Kaya’t maingat ang dalawa sa pagbitaw ng panawagan sa resignation o impeachment, at sa halip mas interesado sa tuluy-tuloy na pag-uk-ok sa kredibilidad ni GMA para papurulin ang bisa ng basbas nito sa kandidato ng administrasyon sa 2010. May dalawang malaking suliranin ang mga paksyon ng burgis na oposisyon. Una, ito ang pagkakahati ng naghaharing uri, prinsipal na ang uring kapitalista at ang pamunuan ng simbahang katoliko, sa panawagan na patalsikin si GMA. Bukod sa hindi makatindig bilang solidong bloke ang “negosyo” at ang “simbahan”—at kung gayon napapapurol ang anumang panawagan sa taumbayan—substansyal na seksyon ng naghaharing uri ang tutol sa pagpapatalsik o ayaw pang pumosisyon gaya halimbawa ng oportunistang mga trapo sa LGU’s. Maraming dahilan subalit matimbang ang argumentong mas mahusay na “manager” ng “masiglang ekonomiya” si GMA kaysa Kabayan at ang pag-aalala sa istabilidad ng sistema kung magpapalit ng pangulo labas sa balangkas ng eleksyon. Ang imperyalismong US ay walang binibitawang pahayag kung pabor o tutol sa pagpapalit, senyales sa isang banda, ng pag-aatubili mismo ng naghaharing uri, at sa kabilang banda, ng siguristang pagtataya sa parehong kampo ng nagbabangayang mga elitista. Ikalawa, problema ng burgis na oposisyon ay ang pag-aalinlangan ng malawak na mamamayan na lumahok sa mga pagkilos at protesta upang obligahin si GMA na magbitiw sa pwesto.
7. Bakit nag-aatubili ang mamamayan sa pagsama sa mga pagkilos?
Walang dudang diskuntento ang sambayanang Pilipino sa hirap ng buhay at kabulukan ng pamahalaan kaya’t pabor sila sa pagpapatalsik sa rehimeng GMA. Subalit hindi matumbasan ng kahandaang kumilos ang kamulatang ito. Ang pagbubukas sa panawagan ng pagbibitiw ay makikita sa paulit-ulit na survey at sa pagsuporta sa mga pagkilos labas sa mismong paglahok sa protesta. Gayong maraming pinag-uugatan ang pag-aalinlangang ito na sumama sa mga pagkilos, hindi mahirap paniwalaan ang katwirang pangunahin itong nagmumula sa pagkadismaya sa naunang mga Edsa na walang inihatid na pagbabago sa buhay ng ordinaryong tao. Sa isang banda, ang pagkamulat na ito ng mamamayan sa mga kakulangan at kamalian ng naunang mga Edsa ay magandang pagbatayan ng mas sulong na paninindigan tungo sa pagbabago ng sistema sa halip na pagpapalit lang ng pangulo. Subalit bunga ng pangkalahatang demoralisasyon sa bisa ng protesta at ng karanasan ng kabiguan ng mga pakikibaka na magkamit ng tagumpay, mas paatras ang reaksyon at timpla ng mamamayan. Mas namamayani sa kanila sa ngayon ang kanya-kanyang diskarte upang iahon ang kabuhayan sa halip na sumandig sa sama-samang pagkilos bilang lunas sa kahirapan. Kahit ang burgis na oposisyon ay ramdam ang suliraning ito kaya naman mas nakatuon ang kanilang “edukasyon, propaganda at ahitasyon” sa mga kabataan, partikular sa mga istudyante ng mga elitistang paaralan. May pagtaya sila na ang seksyong ito ng populasyon ang handang magmobilisa sa kanilang burgis na alternatiba ng constitutional succession at kayang ikomand na kumilos ng mga pari at madreng administrasyon ng elitistang mga kolehiyo.
Ano ang dapat na paninindigan ng uring manggagawa?
Dapat makiisa ang uring manggagawa sa lumalaganap na kilusang protesta laban sa katiwalian at para sa pagpapatalsik kay GMA. Ang rehimen ni GMA ay kaaway ng uring manggagawa sapagkat sagad-sagarin itong promotor at implementor ng imperyalistang globalisasyon na dumedelubyo sa kabuhayan at karapatan ng masang manggagawa at maralita. Subalit ang simpleng pagpapalit ng mukha sa Malacanang ay walang idudulot na pagbabago sa buhay ng masa. Kaya naman habang nakikiisa sa panawagan para patalsikin si GMA, dapat hamunin ng uring manggagawa ang multi-sektoral na kilusang ito sa mga kahilingan ng masa para sa radikal na reporma ng sistema. At kailangang kumpitensyahin ng uring manggagawa ang burgis na oposisyon sa pamumuno sa malawak na masa sa pamamagitan ng pagbabandila ng sariling pampulitikang islogan na tangan ng sariling independyenteng kilusan. Dapat banggain ng islogan para sa pagtatayo ng “transition government” ang panawagan para sa constitutional succession o snap election. Sa panawagang ito natin dapat patindigin ang uring manggagawa at mulatin ang malawak na sambayanan. Kinakawatan ng islogang ito ang kagyat na interes ng uring manggagawa para sa pagbabago ng sistema sa yugtong ito at sa kasalukuyang balanse ng pwersa. Kumporme sa eksaktong timbangan ng lakas sa sandali ng pagbagsak kay GMA ang magiging komposisyon ng “transition government.” Madali namang itaya na sa konkretong sitwasyon ngayon hindi kayang dominahan ng uring manggagawa ang “transition government” at mas malamang substansyal ang bahagi ng burgis na oposisyon dito. Sasalaminin nito ang timbangan ng lakas ng magkakalabang mga uri at grupo na nagkaisang patalsikin si GMA. Kaya’t sa panahong ito, hindi pa importanteng tukuyin ang bubuo dito at lagyan ng mukha ang gobyernong ito. Ang mahalaga sa ngayon ay ibandila ang islogang ito para kumpitensyahin ang burgis na islogan ng constitutional succession. Ang krusyal na tungkulin ay ipaliwanag kung bakit ang isang “transition government” ang tutugon sa interes ng totohanang reporma at magbibigay daan sa makabuluhang pagbabago.
Kaya bang ibagsak si GMA at itayo ang “transition government”?
Masasagot lang ang tanong na ito sa konkretong pagdaloy ng mga pangyayari. Kung posibilidad ang pag-uusapan, hindi imposible ang bagay na ito at hindi ito suntok sa buwan. May realistikong pagkakataon na maibagsak si GMA at mabuo ang isang transition government. Subalit ang posibilidad ay magiging realidad tanging kung may malakas na kilusang masa na ipaglalaban ang panawagang ito at makakaakit ang kilusang ito ng ispontayong pagkilos ng masa. Sa sandaling matipon ang malakas na independyenteng kilusang magbabandila ng islogang ito, kahit ang isang seksyon ng burgis na oposisyon at ang mga rebeldeng sundalo ay maaring mahila na kumampi sa panawagang ito kapalit ng pwesto sa “transition government.” Ganunpaman kung walang titindig na kilusang pinamumunuan ng uring manggagawa para sa radikal na reporma, walang pag-asang makamit ang kahilingang ito. Subalit sa yugtong ito na kahit ang burgis na oposisyon ay walang maipakitang pruweba sa pamumuno sa masa at hindi nila mapasiklab ang ispontanyong pagkilos ng mamamayan, may espasyo at pagkakataon para iporma ang kilusang magdadala ng islogang ito. Hangga’t wala pa ang “final battle” sa rehimeng GMA, nasa yugto pa ng “battle for the hearts and minds” ng mamamayan. Ibig sabihin, agresibo tayong makipagkompetisyon sa burgis na oposisyon sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa. Katunayan, hanggang sa ngayon, wala pa sa posisyon ang burgis na oposisyon na obligahin ang pagbibitiw ni GMA at handang makipaglabanan hanggang sa dulo ang rehimen. Kung magtatagal ang tunggalian, mas mabibigyan ng pagkakataon ang uring manggagawa na tipunin ang sariling independyenteng kilusan at humamig ng impluwensya sa malawak na masa. Kung maagang matatapos ang labanan at mapapamunuan muli ng burgis na oposisyon ang pag-aalsa ng masa o maganap ang isang kudeta ng militar, magsisilbing kampanyang edukasyon at propaganda ang pagpupunyagi ng uring manggagawa sa pagpapalaganap ng islogan ng “transition government” para sa reporma ng sistema, gaya ng naging resulta ng kampanyang “Resign All” noong panahon ng pakikibakan anti-Erap. Pero kung sakaling ni hindi magtagumpay ang kampanya para patalsikin si GMA, ang pagtitipon ng independyenteng kilusan ng uring manggagawa ang pinakamahusay na preparasyon para sa anumang magaganap sa 2010.
Ano ang dapat gawin ng uring manggagawa sa ngayon?
Sa yugtong ito ng pakikibaka sa rehimeng GMA ang prinsipal na layunin ay buuin ang independyenteng kilusan ng uring manggagawa na nagdadala ng independyenteng kahilingan ng masa. Ang tampok na pampulitikang islogan ng independyenteng kilusang ito ay ang pagbubuo ng “transition government” kapalit ni GMA. Kasabay nito, kailangang patampukin ng kilusang ito ang sariling kahilingan ng masa para sa reporma ng sistema. Kahit sa usapin ng paglaban sa katiwalian na ibinabandila ng burgis na oposisyon, kailangang palamnan ito ng uring manggagawa ng sariling balangkas na nagdidiin sa pananaw at interes ng masa. Kaya naman sa ngayon, pinatatampok natin ang islogan ng “Buwis Namin, Huwag Nakawin” bilang konkretong ekspresyon ng taya ng masang manggagawa at maralita sa mainit na isyu ng pagnanakaw ng kaban ng bayan. Hindi tayo simpleng “ayaw sa katiwalian at para sa katotohanan.” Kailangang idiin ang puntong pagkakait ang katiwalian sa pamahalaan sa mga serbisyong panlipunan na dapat ibigay ng gobyerno. Paghamon ito sa sinumang nagpopusturang kapalit ni GMA na kailangang tugunan ang mga kahilingan ng manggagawa at maralita. Sa ngayon, ang kahilingang ito ay kapwa pampropaganda at pampakilos. Sa panawagang ito natin minumulat ang masa at pinakikilos ang ating base upang makiisa at lumalahok sa multi-sektoral na mga pagkilos. Pero kasabay nito, kailangan na ring ibandila ang pampulitikang islogan ng “transition government.” Ibang usapin pa kung ano ang tamang tyempo at paraan ng “launching nito.” Sa yugtong ito, walang dudang nasa antas propaganda pa lang ito. Subalit sa tamang sandali at depende sa tatakbuhin ng sitwasyon, dapat itong ibandila bilang islogang pampakilos. Pero muli, ang importanteng salik para maging isang konkretong alternatiba at seryosong kompetisyon ang islogan ng manggagawa laban sa burgis na panawagan ng constitutional succession o snap election ay matipon ang isang malakas na independyenteng kilusan. Para mabuo ang independyenteng kilusang ito, ang konsentrasyon ng pag-oorganisa at pagpapakilos ay hindi ang paglulunsad ng mga QRF na mas nagsisilbi lang sa pagrehistro ng linya sa madla subalit walang resultang pag-oorganisa sa masa. Nakakatulong itong pasikatin ang sariling grupo pero halos walang bisa ito para mabuo ang isang independyenteng kilusan. Mali rin ang kalakaran na nagpapatupok ng mga pakikibakang masa para painitin ang sitwasyong pampulitika. Sabit ito sapagkat nagiging sekundaryo sa ganitong balangkas ang pagwawagi sa totoong mga laban ng mga manggagawa o maralita. Kailangang mabilisang maisagawa ang pagpapasiklab ng mga pakikibakang masa sa isang sitwasyon ng malaganap na kahirapan at pagdarahop. Maisasakatuparan lang ito kung ito ang ating konsentrasyon ng pagkilos. Ang maipagtagumpay ang malaganap na mga pakikibakang masa na pinagliliyab ng delubyo ng globalisasyon ang landas para maibalik ang kumpyansa ng masa sa protesta at mabuo ang malakas na independyenteng kilusan. Samantalahin natin ang init ng sitwasyong pampulitika para paputukin at ipagtagumpay ang lokal na mga pakikibakang masa hanggang sektoral at pambansang mga labanan. Totooong kakailanganin ng panahon para maisagawa ito subalit sa sitwasyong wala pa sa ngayon ang sandali ng pagpapabagsak sa rehimen at nasa yugto pa ng paghahamig ng suporta kahit ang burgis na oposisyon sa malawak na masa, may pagkakataon para magkonsentra sa ganitong tungkulin sa pinakamabilis at pinakamalikhaing paraan.
No comments:
Post a Comment